146

Nov 25, 2017 @ 12:33
By

Joma Sison, aarestuhin kapag umuwi ng Pinas! – Duterte

Ipapaaresto ni Pangulong Rodrigo Duterte si Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison kapag nagdesisyon itong umuwi ng Pilipinas mula sa The Netherlands.

Inihayag ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa annual homecoming ng San Beda College of Law na ginanap sa isang hotel sa Makati City noong Biyernes ng gabi.

Sinabi ng Pangulo na kasamang aarestuhin ang mga lider komunista na pansamantalang pinalaya tulad ng mag-asawang Wilma at Benito Tiamzon na kasama sa mga nakipag-usap sa mga negosyador ng gobyerno noong bukas pa ang peace talks.

Pero pinayuhan ng Pangulo si Sison na mas mabuting huwag na siyang bumalik sa Pilipinas dahil matanda na ito at may karamdaman pa.

Ayon sa Pangulo, walang pinakamasakit kundi ang mamatay sa dayuhang lugar at hindi man lang makatuntong sa sariling bayan.

“If Joma comes here, I will arrest him or if I were him, huwag na siya bumalik dito. Better still, I will not allow him to enter his native land and that is a very painful experience especially if you are dying and you think you should be buried in your own cemetery, in your own town,” ang pahayag ng Pangulo.

Tiniyak ng Presidente na hahabulin at kakasuhan ang mga komunista batay sa mga krimen na kanilang ginawa sa bayan at sa mamamayan batay sa ilalabas na proklamasyon na magdedeklara sa CPP-NPA na mga terorista.

Nauna rito, inilabas ng Pangulo ang Proclamation 360 na nagdedeklarang tinapos na nito ang pakikipag-usap at negosasyon sa kilusang komunista.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?