60

Sep 10, 2019 @ 18:51
By

Joma Sison, 37 iba pa ibabalik sa kulungan

Ipinahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na bumuo na ng grupo mula sa hanay ng pulisya at sundalo upang magsilbi ng warrant of arrest laban kay Communist Party of the Philippines leader Jose Maria “Joma” Sison at 37 iba pa.

Kaugnay ito ng kanilang umano’y pagkakasangkot sa Inopacan Massacre sa Leyte noong Setyembre 2, 1985.

Sinabi ni Año, nagpulong na sila nina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Philippine National Police chief P/Gen. Oscar Albayalde at Armed Forces of the Philippines chief Gen. Benjamin Madrigal hinggil dito at napagkasunduang dapat na maibalik sa bilangguan ang mga akusado lalo na ngayong wala nang nagaganap na peace talks.

Nakausap na rin ni Año ang deputy ambassador ng European Union kaugnay sa pagbawi ng refugee status ni Sison at handa namang makipagtulungan ang mga ito.

“Kay Joma Sison, kausap ko ‘yung deputy ambassador ng EU at nakikipagtulungan naman sa kanila kung saan hinihimok natin sila na sana ma-revoke ang refugee status ni Joma Sison para ma-extradite siya dito sa Pilipinas at sagutin niya ‘yung kaso niya dito,” ayon pa sa kalihim.

Nauna rito, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen Bernard Banac na nakikipag-ugnayan na sila sa International Criminal Police Organization para sa warrant of arrest ng inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 32 laban kay Sison at 37 iba pa noong Agosto 28 at walang piyansang inirekomenda ang hukuman para sa kanilang pansamantalang kalayaan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?