15

Aug 27, 2020 @ 16:34
By

Jolo blast napigilan sana kung naipatupad agad Anti-Terror Law – Lacson

Kung nagawa lang agad ang implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Terror Law, maaaring nahuli at nakulong ang dalawang suicide bomber sa Jolo, Sulu at naiwasang magkaroon ng kambal na pagsabog na ikinasawi ng 15 katao at pagkasugat ng maraming iba pa, ayon kay Senador Panfilo Lacson.

“So kung noong panahon na ‘yan may guideline sa pamamagitan ng IRR ‘di ligaw ang ating law enforcement,” pahayag ni Lacson sa panayam sa radyo.

“Kung sapat na ebidensya nila at papasok sa warrantless arrest na tinatawag ang circumstances, ang condition, mga requirement, pwede sana nila maaresto ang female bombers. Ang involved, ‘di lang mismong suicide bombers kundi ang co-conspirators,” saad pa nito.

Nilagdaan ang Anti-Terror Law ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 3, apat na araw matapos barilin ng mga pulis ang apat na military intelligence officer sa Jolo.

Nakasaad sa panukala na ang Anti-Terror Council at Department of Justice ang maghahayag ng IRR ng batas 90 araw matapos ang effectivity nito.

Umaasa naman si Lacson na ilalabas na sa lalong madaling panahon ang IRR ang Anti-Terror Law.

“Sana huwag i-exhaust ang 90-day period. Kung kaya tapusin na after one week,” ani Lacson.

Sang-ayon naman ang senador sa sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na epektibo na ang batas subalit kailangan nito ng IRR na magsisilbing guide ng mga law enforcer.

“Effective na ang batas. Pero kung sana may IRR, ma-guide ang law enforcement ano dapat gawin. Maski umiiral ang batas kung walang guidelines, mahirapan sila. Kasi paano nila masasagawa ang pagpapatupad ng Anti-Terrorism Act,” sabi ni Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?