61

Nov 22, 2020 @ 13:27
By

Joke lang! Lacson ‘di pa naturukan COVID vaccine

Nagbibiro lang si Senador Panfilo Lacson nang sabihin niya sa mga senador na nagpabakuna na siya laban sa coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ginawa ni Lacson ang pahayag isang araw matapos sabihin ni Senate President Vicente Sotto III na naturukan na na siya kasama si House Majority Leader Martin Romualdez ng bakuna sa COVID-19 kaya immune na sila sa nasabong sakit.

Kuwento ng senador, break nila noon at nasa Senate lounge nang pabiro niyang nabanggit na nagpabakuna na nga siya laban sa COVID-19.

“Kaming mga senador pag nasa lounge kami lalo na kung stressed out kami, lalo mahigit 1 linggo kami sa budget, wala kaming ginawa kundi magbiruan ng biruan. May kanya-kanyang trip. Minsan hindi mo na alam ano ang totoo at ano ang hindi sa biruan namin,” pahayag ni Lacson sa panayam sa DZBB.

“Ako ang isang trip ko kilala nila ako, isang trip ko gustong gusto ko may senador na sumasayaw sa balat ng mani. Kasabihan yan sa amin sa Cavite, ang pinasasayaw sa balat ng mani. Ang biro na talagang akala mong totoong totoo, sayaw ng sayaw naniniwala pero actually biro,” dagag pa nito.

Sa panayam sa radyo noong Sabado, inihayag ni Sotto na nagpaturok sina Lacson at Romualdez gamit ang bakuna na gawa ng Pfizer.

“Si Senator Lacson, ang tapang. Immunized na ‘yun, nagpa-injection na ‘yun. Nauna na siya, sila ni Martin Romualdez… parang pareho sa Pfizer,” sabi ni Sotto.

Pero muling iginiit ni Lacson, isang biro lang ang ikinuwento niya sa mga kapwa senador noong mag-break sila sa lounge habang nasa kasagsagan ng budget deliberation.

“Yan ang sinabi ko. Pag minsan nagbibiruan, hindi ko sinasabing biro di ko sinasabing totoo. Pag nasa lounge kami lalo pag aabutan ng madaling araw para kinabukasan maaga kami, siyempre nagpapalabas kami ng stress,” ani Lacson.

“Kaya pag nasa lounge at naka-break wala nang ginagawa kundi kung anu-anong kwentuhan, di mo na alam kung ano ang totoo at ano ang hindi. So let’s leave it at that,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?