30

Sep 13, 2021 @ 18:20
By

John Arcilla pinapurihan ni Pinuno

Naghain si Senador Manuel “Lito” Lapid ng isang resolusyon na nagpapaabot ng pagbati at papuri kay John Arcilla matapos itanghal na best actor sa 78th Venice International Film Festival.

Inilarawan ni Arcilla ang karakter ni Sisoy Sales sa Pinoy film na “On the Job: The Missing 8” at naging kauna-unahang Pinoy na nakakuha ng naturang prestihiyosong pagkilala.

“Ang pagkapanalo ni John Arcilla sa isang prestihiyoso at international award-giving body na gaya ng Venice International Film Festival ay isa lamang patunay na world-class talaga ang talento ng mga Pilipino sa maraming aspeto lalo na sa sining,” sabi ni Lapid na isa ring sikat na aktor sa pelikula at telebisyon.

“Nagsisilbing inspirasyon ngayon si Arcilla sa mga artista at ibang pang mga kababayan natin na nasa mundo ng sining para magpursige pa lalo at ipakilala ang galing ng mga Pinoy sa buong mundo,” dagdag pa nito.

Ang Venice International Film Festival ang pinakamatandang film festival sa buong mundo at kinokonsidera bilang isa sa “Big Three”, kasama ang Cannes Film Festival at Berlin International Film Festival na nagbibigay pagkilala sa mga pinakamahuhusay na artista at creator ng pelikula.

Ang 78th Venice International Film Festival ay isinagawa noong Setyembre 1-11, 2021 na nagpakita ng 92 pelikula mula sa lahat ng sulok ng mundo.

“Saksi ako bilang ‘Pinuno’ sa Probinsyano kung saan kami nagsama sa galing ni John Arcilla,” ani Lapid.

“Marapat lamang na kilalanin natin ang natamong tagumpay ni John Arcilla bilang pagsunod na rin sa sinasabi ng ating Saligang Batas na dapat pahalagahan ang sining at kultura sa ating bansa tungo sa pagpapalakas ng ating pagmamahal sa bayan,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?