111

Jul 4, 2022 @ 22:09
By

Jinggoy sa Erap bank account probe: Eh di buksan nila!

Inihayag ni Senador Jinggoy Estrada na hindi kabado ang kanilang pamilya sa kautusan ng Korte Suprema na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa bank account ng kanyang ama, si dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

Ayon sa senador, walang sinuman sa kanilang pamilya ang nakakaalam sa desisyon ng Korte Suprema subalit nakahanda umano sila na harapin ang utos ng kataas-tasang hukuman.

“Nobody knows. Even our lawyers do not know about it. We are totally unfazed. They can open everything,” sabi ni Estrada sa panayam ng mga reporter.

Nitong nagdaang linggo, naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nag-aatas sa Office of the Ombudsman na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa bank account ni Estrada at kanyang diumano’y mga mistress.

Ibinasura din ng Korte Suprema ang petisyon na inihain ng Philippine National Bank, dating Allied Banking Corporation, na siyang humamon sa ruling ng Ombudsman na nag-aatas sa bangko na ilabas ang records ng savings, current, time deposit, trust at foreign currency deposits na nakapangalan sa dating pangulo, Jose Velarde, Laarni Enriquez, Guia Gomez, Joe Melendrez, Peachy Osorio, Rowena Lopez, at Kevin o Kelvin Garcia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?