201

Apr 6, 2019 @ 17:12
By ,

Jimenez alalay kay Laure, UST binugbog ang UE

Akyat sa 7-4 marka ang University of Sto. Tomas (UST) Golden Tigresses matapos walisin sa tatlong set ang University of the East (UE) Lady Warriors, Abril 6 sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament sa Big Dome.

Pansamantalang nakaupo sa third spot ang Tigresses sa likod ng league leading Ateneo de Manila University (9-1) at three-time defending champion De La Salle University (7-3).

Nanguna para mga taga-Espana si super rookie Eya Laure na humambalos ng 14 puntos, sa likod ng 12 kills at isang block, at may 12 excellent digs habang umalalay naman si Sisin Rondina ng 11 puntos.

“Maganda pa rin ‘yung naging game kahit papano, luckily may panibago kaming player na nagstep-up para sa team so that’s the beauty of it na meron kaming strong 13 women na natitira,” sabi ni UST coach Kungfu Reyes.

Pero isa sa mga nanggulat si Ysa Jimenez na rumehistro ng 10 puntos sa kanyang pangalan upang punan ang pagkawala ng ilang key players ng tropa.

“We’re very happy na nag-perform na siya (Jimenez) sa wakas kasi ngayon lang din siya nabigyan ng mahabang time at nagkaroon ng magandang resulta yung ginagawa namin sa ensayo,” dagdag ni Reyes.

May tatlo pang natitirang laro sa eliminations ang Golden Tigresses at para kay Rondina na kailangan pa nilang magtrabaho para mas umangat sila.

“Sinasabihan ko naman ‘yung mga bata na ‘huwag nating tapusin ‘yung season na sad kailangan happy lang’. And trabaho lang talaga ‘yung kailangan para nasa tuktok kami,” sabi ni Rondina.

Samantala, laglag na sa kumpetisyon ang Lady Red Warriors matapos ang talo nito tangan ang 2-9 na baraha.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?