54
Jeron day-to-day ang estado
Nov 23, 2019 @ 18:09
By

Jeron day-to-day ang estado

Nagpagaling si Jeron Teng ng hamstring injury sa unang tatlong linggo ng PBA Governors Cup at inumpisahan ng Alaska ang torneo sa 0-5.

Bumalik si Teng noong Oct. 13, at natikman ng Aces ang unang panalo – 78-71 laban sa Rain or Shine.

Malaking papel ang ginampanan ng sophomore forward sa breakthrough win, nagsumite ng 18 points at 9 rebounds off the bench sa season-ending tournament debut niya.

Mula roon, tinulungan ni Teng ang Aces na maipanalo ang tatlo sa sumunod na apat na laro. Sa pang-apat, inabot naman siya ng hyperextended right knee bago natapos ang 105-102 win laban sa Phoenix noong Nov. 13 – eksaktong isang buwan mula nang bumalik.

Bago lumabas si Teng ay nakapagsumite siya ng 17 points, 8 rebounds at 4 assists.

Hindi na naglaro si Teng sa final game ng Alaska sa eliminations, pero nagawang alpasan ng team ang NLEX 106-90 noong Miyerkoles.

Mula 0-5, tinapos ng Aces ang eliminations sa 5-6 para humabol sa quarterfinals, No. 7 pa.

Uumpisahan ng Alaska ang kampanya sa susunod na round laban sa Meralco mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Kailangan ng Aces na dalawang beses talunin ang No. 2 Bolts para umusad.

Malaking bagay sana si Teng, pero day-to-day pa ang lagay nito sa kanyang injury at hindi sigurado kung makakalaro ngayon.

Sa limang laro, nag-average si Teng ng 15.0 points, 7.8 rebounds at 3.0 assists per game.

Bago natapos ang elims, pinamigay ng Aces si Chris Banchero sa Magnolia kapalit nina Rodney Brondial at Rob Herndon.

Susubukang pigain ni coach Jeff Cariaso ang newcomers, pati sina import Franko House, Vic Manuel, JVee Casio at mga dumating din ngayong conference na sina Abu Tratter at Maverick Ahanmisi para isagad ang twice-to-beat edge ng Bolts.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?