735

Oct 17, 2017 @ 16:11

Jericho Rosales-Kristine Hermosa bibida sa Colombia

MAPAPANOOD na ang teleseryeng Dahil May Isang Ikaw na pinagbibidahan nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa, sa primetime television sa Colombia simula Miyerkules (Oct. 18).

Pinamagatang Corazones Cruzados, ang naturang serye ang kauna-unahang Pinoy teleserye na ida-dub at eere sa naturang bansa at ipapalabas pa ito sa Caracol, ang pinakamalaking free-to-air TV channel roon.

Ito rin ang ikalawang Filipino content na nakapasok ng Latin American region matapos unang umere ang Bridges of Love, tampok pa rin si Echo kasama sina Paulo Avelino at Maja Salvador, noong nakaraang taon sa TV network na PanAmericana sa Peru.

“Ang dami na palang napuntahan ng shows natin at na-realize ko kung gaano kahalaga na maging bahagi ng mga teleserye na ito. Nata-touch natin hindi lang ‘yung puso ng mga Pilipino kung hindi pati na rin ang iba’t ibang tao o lahi sa mundo sa pamamagitan ng ating soap operas. Malaking karangalan sa akin na maging bahagi ng mga ito,” sabi ni Jericho na binansagan Asian Drama King dahil sa mainit na pagtanggap sa kanyang mga serye ng foreign viewers mula Asya, Africa, Eastern Europe, at Latin America.

Taong 2009 nang ipalabas ng ABS-CBN ang Dahil May Isang Ikaw at taong 2010 ng mapasama ito sa listahan ng mga nominado para sa best telenovela category ng prestihiyosong International Emmy Awards. (DS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?