207

Dec 14, 2017 @ 12:35
By

Jericho, na-depress nang husto sa pagkamatay ng ama

Inaasahan na ni Jericho Rosales na magiging malungkot ang kanyang Pasko dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi nila makakapiling o makakasama ang kanyang ama.

Namatay nitong taong ito ang tatay ni Jericho at ito ang dahilan kung bakit nag-backout ang aktor sa project nila ni Jennylyn na pinalitan ni Derek Ramsay, ang MMFF 2017 movie entry na ‘All Of You’.

Sa presscon ng kanilang movie nina Erich Gonzales at Jasmin Curtis-Smith, ang ‘Siargao’ na official entry sa taong ito ng MMFF na dinirehe ni Paul Soriano, sinabi nitong hanggang ngayon ay nami-miss pa rin niya ang kanyang ama.

Pinangingiliran ng luha sa kanyang mga mata si Jericho nang sabihin niyang araw-araw ay naaalala niya ang kanyang yumaong ama.

Hindi raw niya puwedeng makalimutan ito dahil dugo at laman ng tatay niya ang nasa katawan niya.

Kung ano raw siya ngayon, ‘yun ay dahil sa kanyang ama na sumuporta sa kanyang pag-aartista.

Ang mabigat na pangyayaring ito sa kanilang buhay ang nagpawindang ng mundo ni Jericho, kaya dumating daw siya sa puntong na-depressed siya nang husto.

Marami rin daw kasing pinagdaanan ang aktor at inamin niyang inisip din niyang mag-quit na sa showbiz at mamuhay na lang nang normal.

Wala na raw kasing makita si Jericho na purpose niya sa showbiz at kung ano ang gusto pa niya.

Pero dahil nga mahal siya ng industry kaya napag-isip-isip nitong huwag talikuran ang mundong nagbigay sa kanya ng maraming opportunities.

Nilinaw ni Jericho na hindi niya ipinagpalit ang pelikula nila ni Jennylyn para sa ‘Siargao’, dumating ang offer ni direk Paul at napag-isip-isip niyang isang magandang venue ang Siargao at ang pelikula para magkaroon siya ng breather sa pinagdadaanan niya nang mga sandaling ‘yun.

Payo nga ni Jericho, hindi lang kay Erich na dumaan sa lovelife problem at sa iba pa, magbakasyon, pumunta sa beach, makipag-bonding sa mga kaibigan at pag nakapag-recharge na, saka harapin uli ang buhay. (Rey Pumaloy)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?