59

Nov 16, 2021 @ 16:14
By

Jerald Napoles nagpasalamat sa sekyu na nagbalik ng nawawalang pera

Labis na kaba ang naramdaman ng aktor na si Jerald Napoles matapos umano itong malaglagan ng pera na idedeposito sa bangko nitong Nobyembre 15 ng hapon.

Pinasalamatan naman ni Napoles ang isang security guard na may mabuting kalooban matapos nitong isauli ang nalaglag na pera.

Sa kaniyang Facebook, ibinahagi ng aktor ang larawan kasama ang guard na si Roland Gomez ng BPI Kamuning branch.

“Pinaka-matinding shout-out sa security guard ng BPI Tomas Morato branch na si kuya Roland Gomez !!! Shwarawt!!” caption nito sa larawan sa Facebook post.


Hindi raw napansin ni Napoles na nalaglag ang malaking halaga ng pera na kaniyang idedeposito.

“Di nagdalawang isip si kuya na pulutin at isurrender kala mam Mercy Jonsay (branch manager) para ma-advise ng pangyayari. Hindi ko napansin habang nakapila na na-surrender na pala ang pera dahil hindi rin nila alam na ako ang nalaglagan,”

Nalaman na lang daw nito na kulang ang kaniyang pera noong binibilang na ito sa counter.

“Pag dating ko sa teller kulang ang idedeposit. Sumakit ang ulo ko sa panic,” saad ng aktor.

Sa tulong ng CCTV ng bangko, kanilang sinuri ang footage para ma-verify na sa kaniya nga ang nawawalang pera.

Dagdad pa niya, mabuti na lang daw at may mga tao pa na tapat at maganda ang kalooban.

“Ay ayun na-deposit ko !! Grabe mini heart attack ! Pero may mga tao talaga na tapat at maganda ang kalooban,” ani Napoles. (Sherrylou Nemis)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?