31

Jul 13, 2020 @ 16:42
By

Jennylyn kinamusta sina Mocha, Koko, Debold

Napamahal lalo ang mga netizen sa kanilang “kween” na si Jennylyn Mercado.

Naglabas kasi ang Kapuso aktres ng kanyang saloobin sa pagbasura ng Kamara sa aplikasyon ng ABS-CBN para sa bagong prangkisa.

Sa Twitter ngayong Lunes, may sey si Jen sa mga nagdalamhati at nagbunyi sa network shutdown.

Nagpasaring din siya sa mga kawani ng gobyerno na lumabag sa coronavirus protocol, gaya nina Metro Manila police chief Debold Sinas, Senador Koko Pimentel, at OWWA Deputy Administrator Mocha Uson.

Nilista rin ni Mercado ang mga kumikita indirectly sa ABS-CBN na natamaan din dahil tuluyang pinasara ang broadcast company, at ang pagtutol sa mga Pinoy na “pinatatahimik” siya.

“Kamusta na po pala ang nagMananita, ang senador na gumala, at ang blogger na nagmass gathering?” usisa ng aktres.

Naging trending si Pimentel matapos niyang samahan ang kanyang asawa, na manganganak sa Makati Medical Center, kahit pa may nararamdaman na siyang sintomas ng COVID-19. Sa nasabing ospital nabatid ng senador na tinamaan nga siya ng virus, na kinadismaya ng MMC dahil sa posibleng exposure ng kanilang mga medical frontliner.

Pinuna naman ang naging pagtitipon ni Uson sa nasa 332 overseas Filipino worker sa Matabungkay resort sa Lian, Batangas. Pinagbabawal ang mass gathering bilang pag-iingat sa coronavirus.

Kapareho din ang sinapit ni Sinas, matapos magsama-sama ang ilang pulis sa kanyang quarters para sa ‘mañanita’ kung saan pinagdiwang ang kanyang ika-55 kaarawan.

“Ang daling sabihin para sa inyo na ‘Law is Law’ pero ang mga pulitiko o may kapangyarihan na lumabag nito ay hindi naman nakaranas ng parusa para sa batas na nilabag nila,” bigkas ni Jennylyn.

“If you say that then everyone should be held at the same standard. Huwag muna tayo mag Mananita,” dagdag niya.

Sa botohan ng House legislative franchises committee, Biyernes, 70 kongresista ang pumabor na huwag nang magpatuloy sa operasyon ang ABS-CBN.

11 ang tumutol, 2 ang nag-inhibit, at 1 ang nag-abstain.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?