By

Jeepney modernization, tuloy kahit may protesta – Tugade

Sharing is caring!

Kahit nag-aalburoto ang mga tsuper at operator ng jeepney, tuloy ang jeepney modernization program.

Sinabi ito ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade.

Ayon sa kalihim, direktiba na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang programa kaya gagawin ito para sa kapakanan ng nakararami.

Malaya naman aniya ang mga nagpoprotesta na umalma pero dapat pa rin nilang sumunod sa mga batas.

“Tuloy ang modernization. Sinabi na ng Presidente eh, bakit may ganoon pang tanong?” tugon ni Tugade nang tanungin ng media ukol sa modernization program.

“You can do protest actions, but you must follow the law. You can do protest actions but you must give importance to the benefit of the majority, that’s the essence of democracy,” diin ng kalihim.

Sa jeepney modernization program, ang mga kinse anyos at mas matanda pang pampasaherong jeepney ay ipagbabawal nang gamitin at papalitan na ng mga environment-friendly at fuel-efficient na pamasada.

Obligado ang mga operator ng jeepney na magkaroon ng dalawampung Euro 4 compliant unit at dapat na mayroong kapital na hindi bababa sa P7 milyon.

Una nang sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na susubukang gamitin ang mga modernong jeepney na mayroong pintuan sa gilid at mas malaking kaha para makapagsakay ng mas maraming pasahero. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?