92

By

Javier nanumpa na bilang mahistrado ng Korte Suprema

Nanumpa na bilang bagong associate justice ng Korte Suprema si dating Court of Appeals Justice Amy Lazaro-Javier.

Si Chief Justice Lucas Bersamin ang nagpanumpa kay Javier sa pwesto.

Dahil sa paghirang ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Javier ay umaabot na sa tatlo ang babaeng mahistrado sa Supreme Court.

Sinaksihan ng mga kasalukuyan at dating mahistrado ng Korte Suprema ang panunumpa ni Javier kabilang na si dating Chief Justice Teresita De Castro.

Dumalo rin sa oathtaking ang mga dating kasamahan ni Javier sa Office of the Solicitor General kung saan siya nag-umpisa bilang trial attorney at kalaunan bilang assistant solicitor general.

Una nang sinabi ni Javier sa public interview sa kanya ng Judicial and Bar Council noong 2018 na naniniwala siyang hindi kalaban ng mga kababaihan si Duterte.

Samantala, nagbalik Korte Suprema ang pinalitan ni Javier sa pwesto na si retired Supreme Court Justice Noel Tijam para manumpa naman bilang bagong miyembro ng Judicial and Bar Council.

Si Tijam ay itinalaga bilang kinatawan ng academe sa Judicial and Bar Council na sumasala sa mga nominado sa Hudikatura at Office of the Ombudsman.

Siya ay Professional Lecturer II ng Remedial Law sa Philippine Judicial Academy.

Pero dadaan pa sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments ang pagkakatalaga kay Tijam bilang JBC member.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?