105

Dec 10, 2019 @ 14:26

Jasmine pinag-iingat ang publiko: Pepper spray dalhin!

Matapos kumalat sa social media ang video ng mga nakasaksi sa nangyaring kidnapping ng isang Chinese na babae sa Makati City nitong Lunes, pinakiusapan ni aktres Jasmine Curtis-Smith ang publiko na mag-ingat.

Inabisuhan niya rin ang madla na magdala ng pepper spray o alinmang kaugnay na self-defense weapon.


“Please stay safe. Be aware. Bring pepper spray or anything that is similar 😔,” tweet ni Jasmine kaninang madaling araw, Disyembre 10.

Kinumpirma ngayong Martes ng Makati police ang pangki-kidnap ng tatlong Tsino sa isang babaeng Chinese sa Paseo de Roxas Avenue kagabi.

Ayon kay Makati Police Chief Col. Rogelio Simon, base sa salaysay ng mga saksi, sumakay malapit sa Greenbelt 1, bandang Paseo de Roxas corner Nieva Street, ang biktima sa isang Kia Carnival van na may plakang LLA 880 o LSA 880, bandang alas-nuwebe ng gabi, Disyembre 9.

Pumasok din umano ang dalawang suspek sa van, at matapos ang ilang minuto ay nagpumiglas ang babae at sinubukang lumabas sa sasakyan at nagsisigaw ng “tulong” sa wikang Mandarin, ayon pa sa mga saksi.

Sinabi ni Makati Police Investigation Unit Chief Maj. Gideon Ines Jr. na sinimulan na nila ang imbestigasyon ukol sa insidente, at natagpuan umano nila sa ocular inspection sa pinangyarihan ang mga dokumento na nalaglag o iniwan umano ng biktima, kabilang na ang vehicle deed of sale at mga photocopy ng mga passport ng mga Chinese national.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?