ABANTE telco japan taiwan philippines
By

Japan, Taiwan gusto ring maging third player ng telco – Palasyo

Sharing is caring!

Pasok na rin ang Taiwan at Japan sa mga interesadong maging third party sa telecommunications para sa mas mabilis na internet service sa bansa.

Sabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar na bukod sa China at South Korea ay nagpahayag ng interes ang Japan at Taiwan na sumali sa third party telecom.

Bumisita aniya noong nakalipas na linggo sa bansa si Minister Seiko Noda ng Internal Affairs and Communications Ministry ng Japan at napag-usapan ang interes sa isyu ng third party.

“Oo at ito naman iyong KDDI. KDDI, iyan po iyong interesado na pumasok sa bidding at mayroon pang isa pa na interesado na Taiwanese firm pero hindi po binanggit sa atin ni Secretary Rio kung ano po iyon. But what is important really is iyong bukod doon sa bibilis iyong speed ng internet at mababawasan o mawawala kaagad talaga iyong garble ay iyong additional funding or investment dito nga ho para sa bansa natin. Kasi ine-expect po nila ni Secretary Rio at ng DICT na iyong third player ay kailangan makapagpondo ng 300 to 400 billion pesos for the next five years,” ani Andanar.

Hindi lamang aniya internet service ang bibilis kundi madadagdagan ang papasok na investment sa Pilipinas na mangangahulugan ng daggdag kita at trabaho para sa mga Pilipino.

Sinabi pa ni Andanar na bago matapos ang Pebrero ay kailangang makapagsumite na ng terms of reference ang mga interesadong dayuhang kumpanya at pagsapit ng Marso ay malalaman na kung sino-sino ang papasok sa bidding para pumasok sa Telco industry.

May kundisyon ang Department of Information and Communications Tecgnology (DICT) sa mga papasok na kumpanya na bawal ibenta sa Globe at Smart ang kanilang kumpanya, tulad ng ginawa sa Sun Cellular.

Sinabi ni Andanar na ngayon pa lamang ay nagkukumahog na ang dalawang malaking kumpanya na pagandahin ang kanilang serbisyo dahil sa posibilidad na bumaling ang publiko sa bagong third player kapag tuluyang nakapasok sa bansa.

“Sa palagay ko kahit hindi pa magsisimula o kahit nagsisimula pa lang iyong construction ng third player, sa palagay ko magkukumahog na iyong Smart at saka Globe na pagandahin iyong serbisyo eh. So before we know it maganda na rin iyong serbisyo by the end of this year. Kasi like I said, nag-commit po si MVP ng 50 billion pesos, nag-commit po iyong Globe ng additional 48 billion pesos. Kapag hindi pa naman gumanda iyong serbisyo ‘di ba? Ewan ko na lang,” ang dagdag na pahayag ni Andanar. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?