149

Dec 14, 2017 @ 16:58
By

Janitor nang-umit ng wallet ng doktora, swak sa kulungan

Swak sa kulungan ang isang janitor matapos mang-umit ng wallet ng doktora sa loob ng Quezon City General Hospital (QCGH) sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Supt. Danilo Mendoza, hepe ng Quezon City Police District (QCPD) Talipapa Station 3, ang suspek na si John Conrad Caparas, 20-anyos, ng Brgy. Pasong Tamo, QC.

Inireklamo ang suspek ni Dra. Maricris Asuncion, ng QCGH, matapos na makuha rito ang nawawala nitong pitaka.

Sa report sa Talipapa Police Station 3, naganap ang insidente dakong alas-4:35 ng madaling-araw sa loob ng QCGH sa Seminary Road, Brgy. Bahay Toro.

Nagpahinga at natulog lamang umano si Asuncion ngunit nang magising ay nawawala na ang wallet na nasa loob ng kanyang bag.

Nang maghanap siya ay nakita nito ang suspek na si Caparas habang hawak ang wallet nito, at hinahalughog.

Agad humingi ng tulong ang doktora sa security guard ng ospital at dinakip ang suspek. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?