197

Oct 21, 2017 @ 19:50

Janitor dedbol, 22 sugatan sa karambola ng sasakyan

Patay ang isang janitor ng SM North habang nasa 22 ang nasugatan sa naganap na karambola ng siyam na sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Namatay ang janitor na si Dominador Petralve Caina, 48-anyos, at residente ng Lucas St., Sto. Niño, Payatas A, QC habang ginagamot sa ospital sanhi ng tinamong head injury at malalalim na sugat sa katawan.

Isinugod naman ang mga sugatan sa East Avenue Medical Center, Quezon City General Hospital at Amang Rodriguez Hospital sa Marikina na pawang nagtamo ng mga pasa, galos, pilay at bukol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District-Traffic Bureau, dakong alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang aksidente sa stop light ng Tandang Sora, Quezon City.

Binabaybay ng Fermina Express Bus (ABD- 7702) ang Commonwealth Avenue patungong Fairview nang bigla nitong salpukin ang Renan Transit Bus (UVL-305) sa likurang bahagi habang nagsasakay at nagbababa ng pasahero.

Dahil sa naka-‘red’ ang traffic light sa kanto ng Tandang Sora at Commonwealth Avenue kaya nabundol pa ang dalawang jeep, limang private vehicles at isang motorsiklo.

Bunsod ng aksidente ay nagkabuhul-buhol ang daloy ng trapiko, na tumagal ng ilang oras bago naalis ang mga nagkarambolang sasakyan. Sinasabing nawalan ng preno ang Fermina Bus kaya sinalpok nito ang mga nakaparadang sasakyan.

Inihahanda na ang kaso laban sa driver ng Fermina Bus at nangako naman ang management nito na sasagutin ang pagpapagamot sa mga nasugatan. (Dolly Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?