64

May 11, 2019 @ 10:11
By

Janella at buong One San Juan, tiwala sa suporta ng San Juaneño

Malaki ang tiwala ni mayoralty candidate Janella Ejercito Estrada sa ibinibigay na suporta ng mahigit 30,000 San Juaneño na nakiisa sa lahat ng kanilang caucus kabilang na ang Miting de Avance, Cinco de Mayo at Mayo Uno bilang pagpapatunay na naghahangad ng maayos na direksyon at inspirasyon ang San Juaneño.

Sa kabila ng pagtanggi ng suporta ng kapatirang Iglesia Ni Cristo sa Team San Juan, nais pa ring magpasalamat ni Janella sa ibinigay na pagsuporta sa kanyang kandidatura simula 2013 at mananatiling mataas pa rin ang respeto ni Janella, sampu ng kanyang mga kasama at pamilya sa kapatirang Iglesia na naging kabahagi ng pagsusulong ng isang mabuting pamayanan na naaayon sa mga nais ng Diyos.

Nabatid na dinala umano ng INC sina Ronny Zamora bilang kongresista, Francis Zamora sa pagka-mayor, Warren Villa sa bise alkalde. Apat na kandidato sa Team San Juan at dalawa naman sa PMP-One San Juan sa District 2 habang sa District 1 ay dadalhin ng kapatiran ang lima mula sa PMP One San Juan at isa sa TSJ.

Ayon pa kay Janella, hindi mapapantayan ang ipinakitang pagsuporta ng mahigit 30-libong San Juaneño noong nakaraang Cinco de Mayo at Mayo Uno na nagsisilbing pagpapatunay ng maayos na direksyon at inspirasyon upang isulong at ipagtagumpay ang kanilang adbokasya.

Kabilang sa One San Juan sina Edu Manzano bilang Kinatawan, Boy Celles bilang Vice Mayor at mga kasamahang konsehal sa PMP na kapwa may mabuting hangarin para sa San Juan.

Nabatid na malaki ang magiging papel ng INC sa darating na halalan sa Lunes subalit hindi naman natitinag si Janella at buong partidio dahil sa tiwala at suporta ng mga residente ng San Juan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?