224

Dec 16, 2017 @ 13:55
By

Jake, ‘lodi’ si Coco bilang direktor

Humahanga nang todo si Jake Cuenca sa trabaho ni Coco Martin bilang direktor ng kanilang pelikula, ang MMFF 2017 entry na ‘Ang Panday’ na pinagbibidahan mismo ng huli.

Hindi dahil kasama siya sa pelikula at siya ang lead villain ni Coco bilang si Lizardo, talagang bumilib si Jake sa ‘Ang Probinsyano’ actor.

Ayon kay Jake, parang hindi first-time director si Coco habang sinu-shoot nila ang pelikula nila. Mahirap ang mga scene nila sa maraming tao pero dahil naka-focus ang kanilang direktor sa gusto nitong gawin, walang naging problema.

Mabusisi raw si Coco sa mga eksena at sa kung anong gusto niyang makita kaya hindi ito pumapayag na puwede na ang kanilang mga scene.

Sabi pa nga ni Jake, actor-director daw si Coco na laging nakaagapay sa kung anong acting ang gusto niyang maramdaman sa mga actor niya sa eksena nila.

Bilang respeto hindi na raw nagbigay ng kanyang input si Jake kay Coco sa mga naiisip niyang mga eksena dahil may vision na raw ang huli sa kung ano ang gusto niyang makita ng audience sa pelikula.

Totoo nga ang sinasabi ni Jake tungkol sa husay ni Coco sa pagdidirehe dahil base sa napanood naming movie, punung-puno ito ng mga elementong gustong makita ng mga manonood.

Mula sa action, comedy, drama, fantasy, suspense, special effects at kahit musical ay nasa pelikulang ‘Ang Panday’, kaya masayang lumabas ng sinehan si Ms. Susan Roces matapos mapanood ang movie ng kanyang yumaong asawang si FPJ sa advance screening nito noong Huwebes.

Anyways, ipinaliwanag ni Jake ang characterization niya bilang si Lizardo. May mga nagsasabing parang ginaya raw ng aktor ang character ni ‘Joker’ sa Batman. May mga nagsasabing para siyang ‘bading’ sa pilantik ng kanyang mga daliri.

Itinanggi ni Jake na ginaya niya si Joker. Hindi rin daw bading ang characterization niya.

Nag-agree si Jake sa amin nang sabihin namin sa kanya na nakita namin ang character ni Lestat sa pelikula noon ni Tom Cruise na ‘Interview with the Vampire’.

Anyways, magbubukas na sa mga sinehan ngayong Disyembre 25 ang pelikulang ito ni Coco.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?