45

Nov 8, 2021 @ 11:24
By

Iwas siksikan! Tradisyunal na PUV damihan – Hontiveros

Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa Department of Transportation (DOTr) na payagan ng bumyahe ang mas maraming tradisyunal na bus at jeepney sa National Capital Region (NCR) at ilang ruta sa probinsiya na inirekomenda kamakailan ng mga consultant ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sabi ni Hontiveros, ito ay dapat gawin upang matiyak ang kaligtasan ng mga commuter kahit na pansamantala lamang at hindi nadidiskaril ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.

“Ang siksikang pampublikong transportasyon ay COVID superspreader. Kaya panahon na para payagan muna uli ng DoTr na bumyahe ang mga traditional buses at jeepneys at magbukas ng mga bagong ruta, lalo pa at inaasahang mas marami na ang mga commuters,” ayon kay Hontiveros.

Ang panawagang ito ng senadora ay kasunod ng pag-alis ng curfew sa Metro Manila dahil sa pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 at pag-taas sa 70% ng kapasidad ng PUVs.

Ani Hontiveros, ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 ay hindi nangangahulugan na pwede nang maging kampante.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sapat na bilang ng mga PUV upang maiwasan ang mga pasahero na magdikit-dikit sa loob ng sasakyan.

“Magandang balita na bumababa na ang kaso ng COVID-19 sa bansa, pero hindi tayo dapat makampante. Kailangang matiyak na may sapat na bilang ng pumapasadang jeep, bus at UV express para ligtas, hindi nagsisiksikan, at may physical distancing pa rin para maiwasan ang pagkalat muli ng virus,” ani Hontiveros.

“Ituloy natin ang strict implementation ng health protocols lalo na’t hindi pa nagsisimula ang pagbabakuna ng booster shots,” dagdag pa niya.

Ipinahayag din ni Hontiveros na ang dagdag na bilang ng mga PUV sa Metro Manila ay hindi lamang makakabawas sa mahabang pila at oras ng paghihintay sa mga istasyon, kundi maaari ring makabawas sa bilang ng mga pribadong sasakyan na nagsasanhi ng pagsikip sa daloy ng trapiko. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?