232

Feb 12, 2021 @ 19:53
By

Ivana Alawi pinahiya ng beteranong TV host

Ibinahagi ni YouTube sensation Ivana Alawi ang karanasan niya sa isang beteranong TV host na dati umano’y tinitingala niya ngunit pinahiya siya.

Kuwento niya sa kanyang latest vlog, wala umano siyang nakaaway sa mga artista.

“Wala akong nakaaway. May nang-away sa akin,” ani Alawi.

Ito ay matapos siyang tanungin ng kapatid niyang lalaki kung may nakaaway na ba siya sa showbiz.

“Pero ako, never akong nakipag-away sa kahit sinong artista, kasi kailangan mo rumespeto at kailangan mong makisama sa showbiz world,” hirit pa ng aktres.

Aniya, nangyari ang komprontasyon sa isang dressing room.

“Nakaupo lang ako sa dressing room. Marami kami doon kasi parang sama-sama kami sa dressing room na ‘yun. So ‘yung kasama kong PA (personal assistant) lumabas siya kasi hindi na siya kasya ‘dun sa dressing room namin. And kailangan lagi siyang malapit sa akin, kasi siyempre kapag may kailangan ako, kapag magbibihis, yung mga ganun,” kuwento ng aktres.

Aniya, nakakita ng mauupuan ang kanyang PA sa kalapit na dressing room nito at nagpaalam naman ito kung maaari ba siyang makiupo.

“Lumabas siya tapos may nakita siyang upuan doon sa labas. Nagpaalam naman siya dun sa tao sa loob.”

“Sabi niya, ‘Pwede bang makiupo lang…’ para malapit siya sa akin. As in tapat lang kasi siya. So, sabi nung tao sa loob, ‘Oo naman, sige upo ka.’ So, umupo lang siya dun,” pagpapatuloy nito.

Dito na umano sumugod ang hindi pinangalanang TV host sa dressing room ni Alawi na kanyang ikinagulat.

“Hindi pa kami nagsisimula nito, so nag-antay lang ako doon. Nakaupo ako dun. Tapos biglang may sumugod na batikang host,” wika niya.

“Lagi ko siyang pinapanood nung bata ako kaya idol na idol ko siya noon. Tapos nung nakita ko, parang napangiti ako. Tapos parang pinagsisigawan niya ako dun sa dressing room sa harap ng ibang artista. Parang sabi ko, ‘Hala!’”

Sambit niya, paulit-ulit siyang nanghingi ng tawad sa host dahil sa nangyaring ito.

“Tapos parang naaalala ko yung reaction ko noon, ‘Sorry po, sorry po!’ As in sorry ako nang sorry. Sobrang naano kasi parang sa harap ng ibang artista. Sobrang pinapahiya ako, as in!”

Dahil dito, umiyak ang vlogger at tinawagan ang kanyang ina.

“Ako yung inaway and then, hiyang-hiya ako noon. Umiyak ako, tapos tumawag ako kay Mama. Tapos sabi niya, ‘Okay lang ‘yan. Hayaan mo na.’”

Nilinaw naman ng modelo na naka-move on na siya sa naturang gulo.

“Pero wala na akong hard feelings, naka-move on na ako,” paglilinaw niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?