163

By

‘It’s Showtime’ nagbigay ng tribute para kay Rico J. Puno

Nagbalik-tanaw ang mga host ng noontime show na ‘It’s Showtime’ sa mga naging alaala nila kasama ang napayapang si Rico J. Puno.

Naging hurado ang tinaguriang ‘Total Performer’ sa segment show na Tawag ng Tanghalan.

Sa kwento ni Vice, ‘my favorite’ ang tawagan nila ng singer.

“Tuwing ipinapakilala ko siya, lagi kong sinasabi na ‘my favorite’ kasi ‘yon din ang sinasabi niya sa akin backstage. Kapag magkikita kami kahit saan, ‘o ito ang paborito ko, si Vice Ganda.’ Ako raw ang paborito niya at siya ang paborito ko,” saad ni Vice.

Dagdag pa ng unkabogable star, kaya siya ang naging paborito ay dahil siya raw ang baklang bersyon ni Rico J. Puno at ang huli naman ang lalaking bersyon ng komedyante dahil pareho silang bastos.

“Pareho raw kasi kaming bastos. Sabi niya, ‘yung ginagawa ni Vice Ganda ngayon, binakla niya lang ‘yung ginawa ko.’ At lagi kaming nagyayakapan at nag-a-I love you sa isa’t isa.”

Si Karylle naman ay pinuri ang pagiging mabuting ama ni Rico J.

“Bukod sa nakikita natin sa entablado na isa siyang total performer, lahat-lahat, isa siyang komedyante, isa siyang mabuting ama. Kaya mami-miss ka namin, kuya Rico,” ayon kay Karylle.

Si Amy Perez naman ay inalala ang pagiging masiyahin ni Rico J.

“‘Yung palaging nakangiti, palaging happy, ‘sexy, kamusta ba?’ Gumaganoon lang siya,” kwento ni Amy.

Pagmamahal sa musika ang naaalala nina Teddy Corpuz at Jugs Jugueta nang magkwento ng kanilang karanasan kasama ang OPM icon.

Si Ryan Bang naman hindi makakalimutan ang pangangamusta sa kanya araw-araw ni Rico J.

Habang si Jhong Hilario naman, “Sobrang saya. At saka lagi nating sinasabi na napaka-naughty ni Sir Rico, pero gusto ko lang sabihin na siya ‘yung taong naughty but nice.”

Nagbigay din ng mensahe at pagsariwa sa alaala ang mga hurado ng Tawag ng Tanghalan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?