30

Jan 11, 2022 @ 19:16
By

Itinutulak na ChaCha, term extension huli na! — Palasyo

Wala ng sapat na panahon ang Kongreso para sa Charter Change o chacha at term extension ng mga kasalukuyang nakaupong mga opisyal sa gobyerno.

Ito ang tugon ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles matapos tanungin kaugnay sa isinusulong na pagpapalit sa Konstitusyon at pagpapalawig sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang mga nakaupong opisyal sa puwesto.

Ayon kay Nograles, wala ng oras ang mga mambabatas para talakayin ang panukala lalo na at malapit na ang darating na halalan.

“May paparating na eleksiyon sa May 2022 at sa palagay ko wala ng oras ang Kongreso sa panukalang ito,” ani Nograles.

Hindi aniya ito ang prayoridad ngayon ng gobyerno dahil nakatutok ang ehekutibo sa pagharap sa matinding pagsubok na hatid ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Nograles na abala ang ehekutibo sa pagtugon sa problema sa COVID-19 lalo na ngayong tumataas ang mga kaso kaya walang panahon ang Malacañang na pagtuunan ang isyu ng chacha at term extension.

“Mayroon tayong mas mabigat na laban – at ito iyong laban against COVID-19,” dagdag ni Nograles.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?