19

Jul 20, 2021 @ 14:33
By

Itaas ang lebel ng turo sa math, science – Gatchalian

Sa pagsulong ng inobasyon sa “new normal” at pagbangon ng bansa mula sa pinsala ng COVID-19 pandemic, dapat maging prayoridad ang pag-angat sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa math at science, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sabi nito, ang kakayahan ng mga mag-aaral sa math at science ay isang pundasyon sa inobasyon—isang mahalagang aspeto sa pagbangon ng bansa mula sa pangkalusugang krisis at paghahanda para sa anumang krisis na susuungin pa ng bansa sa hinaharap.

Matatandaang hindi naging maganda ang resulta ng 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), kung saan lumahok ang mga mag-aaral ng bansa mula sa ika-apat na baitang.

Labing siyam (19) na porsyento lamang ang marunong ng basic math habang labing-tatlong (13) porsyento naman ang nagpakita ng limitadong kaalaman sa mga pangunahing konsepto at impormasyon pagdating sa science.

Sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM) naman, labing-pitong (17) porsyento lamang ng mga mag-aaral sa ika-limang baitang ang may sapat na kaalaman sa math upang magpatuloy sa high school.

Sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), matatandaang Pilipinas ang nakatanggap ng pangalawang pinakamababang marka pagdating sa math at science.

Bagama’t kasalukuyang nirerepaso ng Department of Education (DepEd) ang K to 12 curriculum, binigyang diin ni Gatchalian na kailangan ding iangat ang kalidad ng mga guro at i-resolba ang mga isyu sa “spiral progression approach” na mandato ng Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533).

Sa ilalim ng spiral progression approach, maraming mga paksa at konsepto ang inaaral ng mga estudyante kaya naman nagiging mabigat ang nilalaman ng curriculum o congested. Para sa ilan, hamon ang tinatawag na congested curriculum para makapagturo ng mas malalim ang mga guro at makapag focus ang mga mag-aaral sa mga core academic subjects, tulad na lang ng math at science. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?