butuan-police
By

Istasyon ng pulis sa Butuan, nilusob ng NPA

Sharing is caring!

Sinalakay ng nasa 40 teroristang New People’s Army (NPA) ang Butuan Police Station 5 sa Brgy. San Mateo, Butuan City, kahapon ng umaga pero agad itong nadepensahan ng mga pulis.

Ayon kay Police Chief Supt. Noli Romana, Caraga Police director, alas-9:30 ng umaga nang salakayin ng NPA ang nasabing istasyon ng pulis ngunit agad na naka-opensa ang mga pulis kaya’t nagkaroon ng palitan ng putukan na nagtagal ng 20 minuto.

Matapos ang sagupaan, tumakas ang mga kalaban nang walang anumang nakuha sa himpilan ng pulis.

Walang nasawi o nasugatan sa panig ng pulisya, habang hindi naman matukoy ng pulisya kung ilan ang sugatan sa mga nakalabang NPA.

Agad na nagsagawa ng clearing operations ang dagdag na puwersa mula sa Regional Mobile Force Battalion at Butuan City Mobile Force Company pagkatapos ng insidente.

Kinondena naman ng pulisya ang walang tigil na paghahasik ng takot at kaguluhan ng NPA.

Panawagan ng Philippine National Police sa publiko, agad na ipaalam sa pinakamalapit na police o military unit ang presensiya ng mga terorista sa kanilang lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?