12

Aug 6, 2020 @ 23:07
By

Isko: Serology testing sa COVID epektibo

Nanindigan kahapon si Mayor Isko Moreno na epektibo ang serology testing na inilulunsad ngayon ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang barangay sa Maynila.

Ipinaliwanag ni Moreno na ang Abbott Serology Testing Machines na ginagamit ngayon sa Maynila ay mayroong accuracy rate na umaabot sa 99.6% specificity at 100% sensitivity.

Nakatutulong din aniya ito sa mabisang contact tracing at surveillance ng mga may COVID-19 sa mga komunidad na siya ring ginagamit sa ibang bansa.

Natutukoy din aniya sa serology testing ang iba pang sakit ng isang indibiduwal katulad ng HIV, cancer, hepatitis at tuberculosis.

“Abbott developed a reagent for COVID-19 Igg antibody. Ngayon ginagamit natin ‘yan. So para maging cost efficient ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila, i-tetest namin siya diyan, pag nag-positive siya, at least alam niya kaagad, mayroon na agad next medical protocol na dapat niyang gawin at ipagawa sa kaniya. Kung may symptoms na siya then we can confirm,” ayon kay Moreno.

“Ito rin `yong machine na naghahanap ng kung ika’y positibo rin sa HIV, o `yong cancer level mo, hepatitis and so on and so forth. Ang kagandahan ng makina, wala na siyang mabibigay na false hope,” sabi pa ng alkalde.

Nilinaw din ni Moreno na hindi rapid test kit ang ginagamit sa mga drive-thru testing center sa Maynila dahil mas mataas aniya ang accuracy ng serology test kumpara sa rapid test.

Bukod dito, nagsasagawa pa rin ang pamahalaang lungsod ng swab testing para sa mga Manilenyo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?