11

Jan 11, 2021 @ 15:32
By

Isko: Maynila handa sa virus ‘superspreader’

Isinantabi ni Mayor Isko Moreno ang pangamba ng ilan na isang coronavirus “superspreader” ang naging paggunita sa Pista ng Nazareno noong Sabado.

Aniya, handa ang city government na mag-test, mag-isolate at gamutin ang sinumang makakaramdam ng mga sintomas ng COVID-19.

“Our data doesn’t lie. It’s been 10 months now. We must move on, we must learn how to live with COVID-19 and learn how to go to work safely, continue to open the economy. This risk should be managed,” sabi niya sa panayam ng mga reporter.

“Kung kayo ay sakaling may mararamdaman, libre ang testing sa Maynila, mag-quarantine tayo agad,” dagdag niya.

Patuloy pa niya: “Handa ang Maynila, but then again, it only proves na kapag nagkukusang disiplina ang tao, ‘pag sumunod ang tao, talagang may maa-achieve tayong maganda kahit papaano.”

Magugunitang sinabi kamakailan ni dating Special Adviser to the National Task Force Tony Leachon na magiging “recipe for a super spreading event” ang pagdiriwang sa kapistahan ng Itim na Nazareno na maaaring magresulta sa malakihang pagtaas ng COVID-19 infections.

Ang superspreader event ay kung saan ang ilang taong may sakit ay makakahawa ng malaking bilang ng mga tao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?