74

Jul 27, 2021 @ 21:38
By

Isko dudang kumalat na Delta variant sa Metro Manila

Nagpahayag ng pangamba si Manila Mayor Isko Moreno na maaaring kumalat na sa Metro Manila ang mas mabagsik na Delta variant ng COVID-19.

Aniya, nasabi niya ito dahil tatlong linggo hanggang isang buwan pa bago lumabas ang resulta ng ginagawang genome sequencing ng Philippine Genome Center na nagde-detect sa presensiya ng Delta variant.

Ibig sabihin aniya, maaaring nailipat na ng Delta variant positive ang virus sa iba bago pa nito malaman na infected siya.

Gayundin aniya, maaaring magkaroon ng delay kung kailan malalaman ng mga local government unit na mayroon na palang Delta variant sa kanilang lugar.

“Alam n’yo naman sa Maynila nagkaroon ng Delta, nalaman namin isang buwan na ang nakakaraan, three weeks na ang nakakaraan. Let’s see the clear picture of the objective, may masama akong pakiramdam na kakalat ang Delta, dahil sa kapabayaan ng iilan, ituturo lang naman ‘yan dito sa lokal eh,” wika ni Moreno sa live online briefing.

“Unang-una, bago lumabas ang Delta result, it will take them three weeks — para alam ninyo mga kababayan […] importanteng alam ninyo ang totoo, totoong sitwasyon. So ako, ang assessment ko, sasabog sa mukha nating lahat ‘yong Delta variant, masama ang pakiramdam ko. Sa buong bansa ha? Kasi may duda ako sa tagal ng resulta, nagkalat na ‘yan, huli na no’ng nalaman ng tao,” dagdag niya.

Kaya naman nagbabala siya sa mga Manileño na posibleng nagkalat na nga ang Delta variant.

“Ngayon mga kababayan, ako po bilang mayor ninyo, nagbababala. Masama ang pakiramdam ko, sana mali ako. Ako duda ko, nagkalat na ang Delta, may duda ako,” pahayag niya.

Sa ngayon ay 119 na ang kumpirmadong kaso ng Delta variant sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?