85

By

Isko, Cimatu nag-inspeksiyon sa mga estero sa Maynila

Nagsagawa ng pag-iinspeksiyon sa mga estero at mga informal settler sa Maynila sina Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu, Undersecretary Benny Antiporda at Manila Mayor Isko Moreno.

Dito ay ipinakita ni Mayor Moreno sa mga opisyal ng DENR ang mahabang estero na pinamamahayan ng mahigit 70 informal settlers families sa bahagi ng Leveriza St., Malate, Maynila.

Sa nasabing bilang nasa 20 pamilya na itinutuiring ISF na lamang ang natitira sa lugar na kailangang ilikas para sa kanilang kaligtasan.

Nagpahayag din ng kasiyahan si Mayor Moreno sa ginawang relokasyon ng gobyerno sa mga ISF sa Barangay 718 na inilipat sa Metro Manila upang hindi maapektuhan ang kanilang trabaho at pag-aaral ng mga anak.

Nakita rin ang dating “stagnant” at maruming tubig na ngayon ay hindi na kulay-burak at unti-unti na itong dumadaloy.

Natuklasan din sa ginawang inspeksiyon ng mga DENR official na sinakop na ng mga nagtataasang condominium at iba pang establishments ang mga estero at nilampasan na rin ang tatlong metrong layo sa mga waterway.

Nabatid kay Moreno na sa sandaling matanggap na niya ang ‘cease and desist order’ ng DENR ay kaniya itong ipatutupad.

Nagpahayag naman ng kasiyahan si Cimatu nang wala siyang makitang basurang natatangay sa Manila shore kundi mga water lily na lamang at mga kawayan na pinaniniwalaang gamit sa mga palaisdaan na nasa bisinidad ng Maynila.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?