37

By

Isang tagay pa, Austria, San Miguel balik sa finals

Isang panalo pa ay babalik ang San Miguel Beer sa finals para idepensa ang korona ng PBA Commissioner’s Cup.

Maaaring gawin ito ng Beermen kapag nawalis ang Alaska sa Game 3 ng best-of-five semifinals na dadayo sa Ynares Center sa Antipolo bukas ng gabi (Hulyo 20).

Kinubra ng SMB ang Game 1 (92-79) at Game 2 (105-94).

Lumalapit sa title defense, pero ayaw pang isipin ni coach Leo Austria ang finals.

“We’re not thinking of the championship dahil kung para sa amin, darating ‘yan,” ani Austria pagkatapos ng huling panalo noong Lunes.

Hindi lang maiwasan na mag-isip, lalo’t maraming nag-aabang sa SMB-Ginebra sa championship ng midseason conference. Karambulan ng Gin Kings ang Rain or Shine sa isa pang final four pairing.

Kung sakali, nakikita ni Austria na magiging exciting ang Ginebra-SMB showdown. Bukod kina imports Renaldo Balkman ng SMB at Justin Brownlee ng Ginebra, nariyan pa ang duelo nina big men June Mar Fajardo at Greg Slaughter.

“I think it will be a good series against Ginebra dahil alam naman natin na they are the hottest team in the league right now,” anang six-time champion coach.

Bago ang Game 2 ng hiwalay na serye kontra Elasto Painters, naka-eight straight wins ang Gin Kings mula sa 1-5 start sa torneo.

Naisip din ni Austria na malamang ay pinaghandaan sila ng Gins.

“Nag-beef up sila with the addition of Jeff Chan, so probably they are preparing their team for our zone defense,” anang mentor.

Mula nang mai-trade galing Phoenix noong nakaraang buwan, nilista ni Chan ang pinakamagarang laro sa Ginebra nang magsalansan ng 21 points mula sa 3 for 5 3-point shooting sa 102-89 win sa Rain or Shine noong Linggo.

Bago ang dream finals, aatupagin muna ng Beermen ang Alaska. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?