51

Jan 3, 2018 @ 12:46

Isaiah Thomas nagpakitang-gilas, Cleveland Cavaliers balik sa panalo

Nagpakitang-gilas sa una niyang laro bilang miyembro ng Cleveland Cavaliers si Isaiah Thomas at tinapos ang tatlong sunod na kabiguan ng koponan kung saan biniktima ang Portland Trail Blazers, 127-110, nitong Martes (Miyerkules, Manila time).

Rumagasa agad ng 17 points si point guard Thomas sa 19 minutong nilaro sa una niyang game mula nang mabangko ng pitong buwan dahil sa injury.

Dinagdagan pa niya ito ng tatlong pukol sa tres at tatlong assists, 8:10 ang nalalabi sa orasan kaya’t abante ng 12 ang Cavs.

Umiskor si LeBron James ng 24 points, si Kevin Love ay may 19 habang sumahog ng 15 si Jae Crowder.

Galing ang Cavaliers sa tatlong sunod na talo sa Golden State, Sacramento at Utah.

Hindi magawang makaalagwa ng Cleveland sa Blazers hanggang sa ipasok sina Thomas at Dwyane Wade sa fourth quarter.

Pumukol ng jumper at nagbigay ng magandang pasa tungo kay Wade para sa isang reverse layup si Thomas. Sa sumunod na posesyon ng Cleveland, nagbaon ng 3-pointer si Thomas sa isang kanto sa harap ng bench ng Cavs, biglang lumaki ang lamang nila, 100-91.

Hindi nakalaro mula pa Mayo 19 si Thomas dahil sa injury sa kanyang balakang at naging matiyaga na sumailalim sa rehab.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?