11

Nov 17, 2020 @ 19:14
By

Isabela walang pondo sa mass testing ng mga evacuee

Hindi kakayanin ng lokal na pamahalaan ng Isabela na magsagawa ng COVID-19 mass testing ng mga tumuloy sa evacuation center sa kanilang lugar dahil sa bagyong Ulysses.

Saad ni Isabela Gov. Rodolfo Albano III, “Wala kaming pera para sa ganun na mag-aano kami ng massive testing sa mga evacuation centers. Karamihan ng evacuationc centers namin nalubog din dahil nga sa laki ng ilog.”

Aniya pa, tinitingnan pa nila na mailipat ang kanilang mga pondo para sa rescue facility at pagsasaayos ng mga evacuation center sa kanilang probinsya.

Matatandaan na binabala ni Health Secretary Francisco Duque III na malaki ang tsansa na magkaroon ng hawaan ng COVID-19 sa mga evacuation center kung saan nagkumpulan ang mga nasalanta.

Ayon naman kay Albano, gumagawa na sila ng hakbang para mapalakas ang resistensya ng mga residente ng Isabela.

“Pagbibigay ng vitamins, mga itlog, mga kung ano-ano pa para at least hindi sila tamaan ng COVID, pneumonia,” lahad ng gobernador.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?