266

Oct 28, 2017 @ 10:25

Isabel Granada, nagre-response na kapag kinakausap

Nakiusap ang ina ni Isabel Granada na tigilan na ang pagkakalat ng mali-maling mga balita hinggil sa kalagayan ng kanyang anak.

Umalis patungong Doha, Qatar si Mommy Guwapa kasama ang kanyang apo upang puntahan ang kanyang anak na nagkaroon ng aneurysm sa nabanggit na bansa.

Sinabi ni Mommy Guwapa, mapapanatag lang ang loob niya kapag nakita na niya si Isabel.

Pinipilit daw niyang i-compose ang kanyang sarili dahil ayaw niyang mag-iiyak kapag nakita na niya ang may sakit na anak.

Ayon sa kanya, nagre-response na raw ang dating aktres kapag kinakausap ito.

“Ang embassy namin, ‘yung Spanish Embassy sa Qatar, kinokontak ang sister ko sa Spain. Ina-update kami tungkol sa kalagayan ni Isa. Sinasabi nila sa amin kung ano na ang nangyayari kay Isa sa Qatar.

“Kung anu-ano kasing balita ang lumalabas, hindi naman totoo. Sabi no’ng taga-Spanish Embassy, OK naman daw si Isa. Nagre-response raw ang kamay kapag kinakausap, kaya tuwang-tuwa kami sa balitang ‘yon.

“‘Yung doctor daw mismo ni Isa ang nagsabi sa taga-Spanish Embassy na nagre-response ang kamay niya kapag kinakausap, kaya tuwang-tuwa ako. Kailangan maging matatag ako. Ayokong umiyak kapag nakaharap ko na si Isa dahil mararamdaman niya kapag nagpa-panic kami.

“Gusto ko parang natural lang ako, kaya ngayon pa lang pinipigilan ko na ang pag-iyak,” pahayag ni Mommy Guwapa.

Ang Spanish Embassy umano ang nag-a-update sa kanila dahil Spanish passport ang gamit ni Isabel nang pumunta sa Qatar. Pero may mga nababalitaan din daw si Mommy Guwapa na inaasikaso rin ng mga taga-Philippine Embassy doon ang kanyang anak.

Muling inulit ni Mommy Guwapa ang pasasalamat sa lahat ng mga nagdadasal para sa kanyang anak. (Jun Lalin)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?