84

Sep 3, 2019 @ 13:57
By

Isa sa 2 suspek patay sa shootout sa pulis, brgy. captain, tanod sugatan

Sugatan ang isang kapitan ng barangay at tanod matapos paputukan ng dalawang gunman sa harap ng isang tindahan sa Placer, Masbate, Lunes ng gabi, Setyembre 2.

Patuloy na ginagamot sa hindi nabanggit na ospital ang mga biktimang sina Antonio Jose Aum, 50, Kapitan ng Barangay San Marcos, at tanod nitong si Graciano Condrilon, 45, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Samantala inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek.

Sa pinadalang ulat ni Police Major Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5, naganap ang insidente dakong alas-6:00 ng gabi sa harapan ng isang tindahan sa Barangay San Marcos ng bayang ito.

Nakatayo umano sa harapan ng tindahan ang mga biktima nang lapitan ng mga suspek at pagbabarilin.

Agad tumakas ang mga suspek subalit nasabat sila ng pulis na agad nakaresponde sa pangyayari, kaya nagkaroon ng ilang minutong palitan ng putok na ikinasawi ng isa sa mga suspek habang nakatakas naman ang isa pa.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng pamamaril at sa posibleng pagdakip sa nakatakas na gunman

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?