137

Oct 29, 2017 @ 9:55

Isa patay, 2 sugatan sa banggaan ng trak sa QC

Patay ang driver ng isang dump truck na may lulang buhangin habang sugatan naman ang dalawa nitong pahinante nang bumangga sa nakaparadang truck sa Payatas Road, Quezon City, Sabago ng madaling araw.

Ang biktima ay kinilalang si Cielito Halili, nasa hustong gulang, driver ng dump truck, habang sugatan ang dalawang pahinante nito na sina Alvin Yabot at Meljhon Yabot.

Batay sa naantalang report ni PO3 Alfredo Moises ng Quezon City Traffic Sector 5, dakong ala-1:00 ng madaling araw nangyari ang aksidente sa kurbadang kalsada ng Payatas, Litex Road, Brgy. Commonwealth, ng nasabing lungsod.

Nabatid na nakaparada ang isang 14-wheeler truck sa gilid ng kalsada nang bumangga ang rumaragasang dump truck na minamaneho ng biktima dahil sa nawalan ito umano ng preno.

Sa lakas ng pagkakabangga ay naipit ang biktima at umabot ng isang oras bago tuluyang na-rescue ng mga awtoridad at isinugod sa East Avenue Medical Center pero nasawi rin habang ginagamot sa hospital. Nagtamo naman ng malalim na mga sugat, pilay at pasa  sa katawan ang mga nasabing pahinante.

“Bigla na lang lumusot ‘yung dump truck na napakabilis. Parang nawalan ng kontrol at binangga na ‘yung truck namin,” sabi ni Cris Dayrit, driver ng nakaparadang truck.

Ayon naman kay Edna Elento, Public Safety Office ng Bgry. Commomwealth, nakita nilang duguan ang dalawang pahinante kaya mabilis nilang isinugod sa pagamutan.

‘Yung isang pahinante, nakaupo sa harapan ng truck, duguan na siya. Tapos ‘yung isang pahinante ay nagtamo ng bukol na hindi masyadong napuruhan, tinutulungan namin sila. Kasi pababa itong road na ito. Marami talagang accident ‘pag ganun, oras dito” sabi ni Elento.

Kinailangang pang gamitan ng pay loader, backhoe at iba pang heavy equipment ang bumanggang truck para bawasan  ang kargang buhangin bago na-ialis at naitabi sa lugar. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?