125

Dec 10, 2017 @ 14:49

Isa na namang siyudad, lulusubin ng mga terorista – Palasyo

Mula sa intelligence reports, inihayag ni Communications Secretary Martin Andanar nitong Linggo na nagpaplano ang grupong Daulah Islamiyah, na konektado sa Maute at Abu Sayyaf group, na atakehin ang isang lungsod sa Mindanao.

Ayon kay Andanar, patuloy umano ang pagre-recruit ng Daulah Islamiyah group ng mga bagong miyembro para sa kanilang hinahandang pag-atake.

Hindi naman nito binanggit kung anong lungsod ang aatakehin ng mga terorista.

“Yung grupo ng mga tinatawag natin mga terorista na patuloy pa rin, double time yung kanilang pagre-recruit para dumami pa yung mga kapatid nating Muslim na sumama sa Daulah Islamiyah,” pahayag ni Andanar sa dzBB.

“So ang balita ay lumakas ang kanilang pagre-recruit sa Mindanao. Ang problema nito, may mga intelligence report na nagpaplano silang umatake sa isa pang siyudad,” dagdag pa nito.

Bukod sa mga nabanggit ng grupo, ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Abu Sayyaf ay nanatiling banta rin sa maraming bahagi ng Mindanao.

“So, kailangan ma-extend ang martial law sa Mindanao,” pahayag pa ni Andanar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?