217
paul-lee2
By

Isa na lang! Tira ni Lee, pambaon ng Magnolia

Nakakaba ang huling tagpo sa 2018 PBA Governors’ Cup finals Game 5 sa pagitan ng Magnolia Hotshots at Alaska Aces nitong Biyernes ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Lamang ang Alaska ng isa, 77-78, ilang segundo na lang ang nalalabi sa laban habang tangan ng Magnolia import na si Romeo Travis ang bola.

Aktong nag-drive sa basket si Travis nang mablangka ito ng kanyang Alaska counterpart na si Mike Harris, ngunit ang block na ‘yon ay napaganda pa para sa Magnolia.

Nakuha ng Best Player of the Conference na si Paul Lee ang bola, matapos masungkit ang leather ay may libreng tingin sa basket.

Walang alinlangan na binitawan ni Lee ang bola, ilang tagpo pa ay nagbunyi na ang Magnolia matapos mag-swak sa ang tira sa ring, 1.3 na lang ang nalalabi sa laro.

Tinangka pa ni Harris na ipanalo ang laban sa bisa ng fadeaway ngunit kinapos at nagtapos ang laban, 79-78.

“Aatakihin ako sa puso,” perpektong paglalarawan ni Magnolia coach Chito Victolero.

May 20 points at 6 rebounds si Ian Sangalang, na naging co-Player of the Game ni Lee na tumapos naman ng may 11 points at 10 rebounds.

Isa na lang ang kakailanganing panalo ng Magnolia, abante sa serye sa 3-2, at magkakaalaman na sa Linggo kung kanila nang mahahawakan ang tropeo ng Governors Cup.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?