risa-hontiveros-kolumn
By

Irespeto ang mga kababaihan

Sharing is caring!

Hindi dapat ginagawang biro ang usapin ng paggalang sa mga kababaihan. Ilang dekadang ipinaglaban ng mga kababaihan ang ating karapatan upang marinig ang kanilang boses at maapruba ang mga importanteng batas na nagpoprotekta sa kanila laban sa iba’t ibang uri ng diskriminasyon sa lipunan.

Nito lamang mga nakaraang araw ay naging isyu ang paghalik ng Pangulo sa isang babaeng overseas Filipino worker. Ang mga tagapagtanggol ng Pangulo ay pilit binabaluktot ang usapin ng pagrespeto sa karapatan ng mga kababaihan. Ito raw ay walang malisya. At ang nakakahindik na dahilan ng isa pang opisyal: ang paghalik sa labi ng pinakamataas na tao sa ating gobyerno sa isang OFW ay para lamang halik ng lolo sa apo.

Maraming nagsasabi na ano raw ba ang pakialam ko at pumayag naman at tuwang-tuwa pa ang babaeng OFW sa ginawa ng Presidente.

Marami sa atin ang nakaligtaan ang isang importanteng punto: ginamit ng Pangulo ang kanyang kapangyarihan bilang isang pinakamakapangyarihang Tao sa sa Pilipinas upang magawa niya ang lahat ng gusto niyang gawin —at sa eksenang ito, ang pag-utos sa isang babae sa gitna ng naghihiyawan at nagkakantiyawan na mga manunuod na siya ay halikan.

Ito ay nagsisimbulo ng isang aroganteng asta ng isang Presidente na para bang isang hari na kaya niyang gawin ang lahat na kanyang naisin. Walang puwedeng humindi. Walang pwedeng pumalag. Walang sinuman ang sasalag sa kanyang naisin. Kaya niyang imanipula at paikutin ang damdamin ng kaniyang mga tagasuporta upang magawa niya ang lahat niyang gusto.

Kahit na hindi pumalag o ginusto din diumano ng babae ang paghalik sa Pangulo sa isang opisyal na pagtitipon, hindi makakalusot si Duterte sapagkat ang kanyang kapangyarihan bilang Presidente at ang katayuan sa lipunan ng babaeng OFW ay hindi pantay. Ginamit ni Duterte ang kanyang posisyon at kapangyarihan upang maisagawa ang kanyang balak.

Bilang puno ng isang bansa, ang Pangulo ay inaasahan na umakto ng tama, may respeto na karapat-dapat bilang “tatay ng bansa.” Dapat siya ang mismo ang nagpapatupad at nagsasabuhay ng Konstitusyon at ng mga batas ng bansa. Ang pagiging Pangulo ay hindi lang dula. Hindi ito eksena sa isang pa-bayle sa isang probinsiya. Ito ay seryosong posisyon na kailangang bigyan ng respeto at dignidad.

Ayon nga sa Philippine Commission on Women, hindi porke’t hindi pumalag ang isang babae ay payag na ito sa ginagawang pambabastos sa kanya. Ang pagpayag o consent ay kailangang malinaw na naiintindihan ng bawat panig.

Malinaw na nilahad ng PCW na base sa ating mga batas, walang bisa ang “pagpayag” ng babae kung: 1) ginamitan ng dahas o pananakot; o 2) nakuha sa panlilinlang o paggamit ng kapangyarihan.

Sa isang punto de bista, maging mapanuri rin tayong lahat sapagkat ang usapin na ito ay maaring ginagamit ng mga propagandista ng administrasyon upang malihis ang ating atensyon sa pagsakop ng bansang China sa ating mga isla, at ang patuloy na pag-alingasaw ng mga kabulukan at korapsyon ng ating Solicitor General.

Maging mapagmatyag po tayo. Huwag padadala sa propaganda at fake news.
####

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, magpadala lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?