125

Jun 30, 2019 @ 17:33
By

Ipinost sa FB: 2 bebot huli sa pagbebenta ng bahay ng HR employee

Arestado sa ‘entrapment operation’ ang dalawang bebot nang kunan ng larawan ang tahanan ng isang Human Resources employee saka ipinost sa online selling sa Facebook kung saan ay nagpanggap na buyer ang may-ari mismo ng bahay.

Kinilala ni P/Lt. Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga biktima na sina Gil Mendoza Villanueva, 52, may asawa, pangulo ng Home Owner’s Association at residente ng Block 2, Lot 3, Villa Hermano 3, Princess Home Subdivision, Brgy. San Bartolome, Novaliches, at Maria Fatima Samaniego, may asawa, Human Resources II employee, at naninirahan sa Blk. 4, Lot 3-1, ng nasabi ring subdibisyon.

Ang mga suspek ay nakilalang sina Christina Santos Pablo, 49, may live-in partner, digital marketing specialist at residente ng no. 2111 San Vicente St., Camarin, Caloocan, at Jocelyn Dela Cruz Rendon, digital marketing specialist ng Blk. 52, Lot 3, Abad Santos St., Brgy. Sta. Lucia, Novaliches.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSgt. George Caculba ng CIDU-QCPD, inireklamo ni Samaniego sa pangulo ng kanilang homeowners ng subdibisyon si Rendon nang i-post umano nito ang tahanan ng una sa online selling sa Market Place/Facebook.

Agad namang umaksiyon si Villanueva at kasama si Samaniego ay nagpanggap silang buyer ng ipinost na bahay ng suspek at doon ay nakumpirma nilang ibinebenta ang tahanan na pag-aari ng biktima sa halagang P3, 780,000 at ang down payment ay P 1, 208, 400.

Sa gitna ng transaksiyon, humihingi umano si Rendon ng P39,000 sa biktima para sa reservation fee at napagkasunduan na sa SM Novaliches magbabayaran kung saan naaresto ang suspek at ang kasama niyang si Pablo sa ‘entrapment’ operation ng mga operatiba ng Cyber Crime ng QCPD.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nakapiit ngayon sa QCPD headqaurters sa Camp Karingal habang inihahanda ang kasong paglabag sa Estafa (Swindling) at Unjust Vexation in Relation to Section 6 ng RA 10175.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?