294

Mar 8, 2018 @ 11:07
By

Insurance para sa sumasakay ng tricycle, isinusulong

Napapanahon na umano para pagkalooban ng insurance ang mga tricycle driver sa buong Pilipinas.

Ito ang nakasaad sa liham ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kay Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa harap ng dumaraming bilang ng mga aksidente sa lansangan na kinasasangkutan ng mga tricycle.

Nakasaad din sa sulat ni LCSP President Atty. Ariel Inton sa DILG na sa kasalukuyan ay hindi pa saklaw ng insurance ang mga trike driver pati na ang kanilang mga pasahero.

Napapanahon na ayon sa LCSP na masaklaw ng insurance ang mga tricycle driver at kanilang mga mananakay, dahil hindi na lamang sa loob ng mga subdibisyon pumapasada ang mga ito, kundi maging sa mga major thoroughfares at highways.

Kadalasan ay ginagamit din ang mga ito bilang school service ng mga estudyante.

Kapansin-pansin din na ilan sa mga nagmamaneho ng tricycle ay mga menor de edad na walang lisensya at hindi man lang dumaan sa pormal na driving lessons.

Ang masaklap pa ayon kay Inton ay sobra sa apat na pasahero ang kadalasang sakay ng mga tricycle na lubhang mapanganib.

Kailangan aniya na ang mga lokal na pamahalaan ang magmando para sa insurance coverage ng mga tricycle sa pakikipagtulungan ng mga insurance companies.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?