174

Apr 5, 2019 @ 18:48
By

Installer nahulog sa SM North Park-in, dedbol

Patay ang 22-anyos na installer makaraang mahulog umano mula sa ikatlong palapag ng ginagawang park-in sa SM North sa Quezon City.

Kinilala ni P/Insp. Roldan Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU) ang biktima na si Justin Rabe Tac-an, 22, may asawa, installer at residente ng No. 75 Road 13, Brgy. Bagong Pag-asa, QC.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng CIDU-QCPD, naganap ang aksidente dakong alas-4:20 ng hapon, Abril 4, sa ikatlong palapag ng ballroom area sa SM North Park-in sa Brgy. Bagong Pag-asa.

Ayon sa pahayag ni Ronel Cedinio, pinsan ng biktima, abala umano siya sa kaniyang trabaho nang makarinig siya ng malakas na kalabog at nang kaniyang usisain ay nakita niya si Tac-an na duguan habang nangingisay sa ground floor ng park-in.

Agad na humingi ng saklolo si Cedinio sa kaniyang mga kasamahang construction worker at dinala ang kaniyang pinsa sa Quezon City General Hospital subalit binawian din ito ng buhay dakong alas-sais ng gabi.

Nabatid nang magtungo sa ospital ang mga imbestigador ng CIDU ay pinagbawalan silang magsagawa ng cursory examination sa bangkay ng biktima.

Gayunman, nagsasagawa na rin ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad kung aksidenteng nahulog o sadyang itinulak ang nasabing biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?