196

Oct 17, 2017 @ 17:20

Insentibo sa gagawa ng modern jeepneys, sinisilip na ng DTI

Isa sa mga isyu na binabatikos ng mga nagpoprotestang jeepney drivers sa usapin ng modernisasyon ng ‘Hari ng Kalsada’ ay ang monopolya ng mga malalaking kumpanya sa mga ilalabas na modernong jeepney.

Bunga nito, ikinukunsidera ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagbibigay-insentibo sa mga local manufacturers at assemblers na maglalabas ng modernong modelo ng jeepney na papasa sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Sinabi ni Trade Sec. Ramon Lopez, nais din naman nilang palaguin ang local manufacturing at assembly ng mga pampublikong sasakyan.

Banggit nito, ang maaaring ialok na insentibo ay katulad sa inaprubahan ni dating Pangulong Noynoy Aquino na Comprehensive Automotive Resurgency Strategy (CARS), na base naman sa performance ng driver o ng kanyang unit.

Nagpahiwatig pa si Lopez na ang ibibigay nilang insentibo ay maaaring mas malaki pa sa inaalok ng CARS dahil promosyon na rin itong maituturing sa mga lokal na produkto.

Sa ipatutupad na modernisasyon sa jeepney, tatanggap ng subsidiya ang operator o ang driver kung tatanggapin nila ang alok ng mas modernong pampasadang sasakyan. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?