43

Sep 8, 2021 @ 17:08
By

Ingay ng videoke, paligid balak kontrolin ng Kamara

Isang technical working group (TWG) ang binuo ng House Committee on Ecology upang balangkasin ang panukala na kokontrol sa ingay kasama na ang ingay ng videoke na nakakabulahaw sa mga komunidad.

Inatasan ng komite sina Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr. at Manila Rep. John Marvin Nieto upang pangunahan ang TWG.

Ayon sa chairperson ng komite na si Zamboanga del Norte Rep. Glona Labadlabad, nag-iba-iba ang regulasyon kaugnay ng noise pollution mula ng ibigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pangangasiwa rito sa mga lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Quezon Rep. Angelina Tan, may-akda ng House Bill 3052, na isa sa pangunahing pinagmumulan ng ingay sa mga komunidad ay videoke o karaoke machine.

“The making or creation of excessive, unnecessary or unusually loud sounds from videoke/karaoke systems or other amplified audio devices beyond limits and at unacceptable levels, especially during unholy hours, causes serious discomfort and has created numerous complaints and public condemnation as they are detrimental to public health, comfort, convenience, safety, welfare and prosperity of the general public,” sabi ni Tan.

Binigyan-diin ni Tan ang pangangailangan na tugunan ang noise pollution sa mga komunidad.

Nais naman ni Iloilo Rep. Raul Tupas, may-akda ng HB 2516, na itayo ang Noise Pollution Control Board na gagawa ng polisiya sa pagkontrol sa ingay.

Sinabi ni Tupas na ang Pilipinas ay isa sa mga bansa na walang national policy at regulasyon laban sa noise pollution.

Ayon kay Tupas ang ingay ay mayroong negatibong epekto sa kalusugan kaya dapat magkaroon ng polisiya upang kontrolin ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?