0
views
risa-hontiveros-kolumn
By

Ingatan ang Pamilya Kontra Leptospirosis

Sharing is caring!

Nakakabahala ang biglang pagdami ng kaso ng leptospirosis sa bansa. Dahil panahon na naman ng tag-ulan, ang baha at ang mga sakit na dulot nito ang nagbibigay ng malaking pasanin sa ordinaryong pamilyang Pilipino.

Ayon sa Department of Health (DOH), 58 pasyente na ang pumanaw mula Enero hanggang ngayong unang linggo ng Hulyo dahil sa leptospirosis. Mahigit 450 na kaso na ang naitala ng pamahalaan sa sakit na ito ngayong taon pa lamang. At ang nakakalungkot pa, umaabot na sa 28 na mga barangay ang apektado ng sakit na ito sa Metro Manila.

Sa mga nanay na katulad ko, ang tag-ulan ay may dalang pangamba lalo na kung may baha. Nandiyan na nga ang banta ng dengue, dumagdag pa ang outbreak ng leptospirosis. Ano ba ang pwedeng gawin ng pamilya upang makaiwas sa mga ganitong uri ng sakit?

Ang payo ko, dapat ang buong pamilya at buong komunidad ay sama-samang maglinis ng kanilang kapaligiran. Linisin ng mabuti ang kani-kanilang tahanan, daanan, kanal at iba pang daluyan ng tubig upang makaiwas sa baha. Kapag barado ang mga kanal, bukod sa baha ay pwede itong pamugaran ng mga lamok na may dalang dengue.

Nakikiusap din ako sa mga lokal na mga pamahalaan na siguraduhin ang maayos at nasa oras na pagkuha ng mga basura sa komunidad. Kapag madaming basura sa isang barangay, pwede itong pagmulan ng sakit tulad ng leptospirosis. Kapag hindi maganda ang pagkolekta ng mga basura, dadami ang mga daga kung saan ang ihi nito kapag humalo sa tubig baha ay karaniwang nagdudulot ng leptospirosis.

Tulad ng sinabi ng DOH, ang mga lugar na maraming tao at bahain ang pinakamalaking factor sa pagkalat at pagdami ng mga kaso ng leptospirosis. Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na pwedeng makuha ng isang tao kung siya ay nagkaroon ng contact sa tubig baha, putik o pagkain na nakontamina ng ihi ng daga, aso, baboy o kambing.

Ang simtomas ng sakit na ito ay mataas na lagnat, pagsakit ng ulo at katawan, mapulang mga mata, kulay tsaang ihi, pag-ubo, pagdudumi at pagsusuka. Kapag hindi naagapan, ang leptospirosis ay maaaring maging sanhi ng kidney failure, brain damage, pagdurugo sa loob ng katawan at pagkamatay.

Hindi natin pwedeng ipagwalang-bahala ito dahil sa pagdami na rin ng kaso ng leptospirosis. Isa sa mga pinapayo ng mga eksperto rin ay ang paggamit ng bota para sa buong pamilya kung ang lugar ay bahain upang maiwasan ang pagkontak sa kontaminadong tubig-baha na maaaring magdulot ng pinsala sa ating mga pamilya.

Sa unang simtomas palang ng sakit, kumunsulta na agad sa doktor. Base sa anunsyo ng PhilHealth, mayroong P11,000 leptospirosis package na pwedeng ma-avail ng mga mamamayan kaya mas magandang magpunta agad sa pinakamalapit na mga pagamutan.

Bigyan din ng masusustansiyang pagkain ang ating pamilya tulad ng regular na pagkain ng mga gulay at prutas upang palakasin ang resistensya ng ating mga kaanak laban sa mga sakit. Sa panahon ngayon, napakahirap magkasakit. Alagaan po natin ang kalusugan at kalinisan ng ating pamilya at kapaligiran.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?