28

Oct 11, 2021 @ 16:37
By

Infrawatch kinalampag NTC sa mobile number portability

Hiniling ng isang grupo sa National Telecommunications Commission (NTC) na kusa nang imbestigahan ang pagpapatupad ng Mobile Number Portability (MNP) Law kung saan hindi na kailangang magpalit ng numero ang subscriber kapag magpapalit ito ng service provider gamit ang dating cellphone number.

Sumulat si Infrawatch PH convenor Terry Ridon kina NTC Commissioner Gamaliel Cordoba at Deputy Commissioners Edgardo Cabarios at Delilah Deles noong Oktubre 8 para hilingin ang imbestigasyon sa MNP matapos nagkaproblema ito noong commercial launch.

Hiniling din ni Ridon na utusan ng NTC ang mga telecommunication company na sundin ang mga probisyon at regulasyon ng MNP at pagmultahin o parusahan ang mga telco na hindi sumusunod.

Ginawa ang commercial launch ng MNP noong katapusan ng Setyembre ngunit hindi umano maayos ang naging karanasan ng mga taong naglilipat ng number.

Sabi ni Ridon, hindi sapat na palusot ang system glitches at bugs dahil nakita na dapat ang mga ito at naisaayos bago mag-commercial launch sapagkat binigyan naman sila ng panahon para dito.

“This is a disservice to telco subscribers who expose themselves to coronavirus risks when they go to telco offices to port out of their existing mobile networks,” sabi ni Ridon. “It is frustrating for them to find out that their MNP request cannot proceed due to system glitches and bugs.”

Ani Ridon, marami silang natanggap na ganitong reklamo mula sa mga subscriber.

Aniya, maaaring naglalagay din ng internal roadblock ang mga telco o mga `hassle’ sa paglipat para hindi na tumuloy ang subscriber. Ito’ y sa pamamamagitan umano ng paglilimita ng booking appointment na may kaugnayan sa MNP at paglalagay ng limitasyon ng functionality para sa third-party service tulad ng virtual wallet at online banking.

Gumawa na rin aniya ang mga telco ng sarili nilang schedule pagdating sa pag-unlock ng number para sa mga lilipat at hindi na sinusunod ang NTR requirement a dalawang araw lamang dapat ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?