133

By

Inflation wala pang preno sa pagtaas – BSP

Hindi pa tapos ang hagupit ng mataas na inflation rate sa bansa matapos ianunsiyo ng Bangko Sentral ng Pilipinas na inaasahan nila na ngayon Setyembre ay mas mataas pa ang maitatala.

Ngunit sinabi ni BSP Deputy Gov. Diwa Guinigundo na sa huling tatlong buwan ng taon sa kabila ng pananalasang ginawa ng bagyong Ompong, bababa na ang inflation rate hanggang sa umabot na ito sa target nilang 2-4 porsiyento.

Ang naitalang 6.4 percent inflation rate noong Agosto ang pinakamataas na sa loob ng halos isang dekada.

Sinabi pa ni Guinigundo na palalambutin din ang inflation rate ng paggastos ng mga Filipino konsyumer sa nalalapit na Kapaskuhan.

“The economy continues to shape up for the rest of the year. Inflation remains manageable and we expect the peak to happen during this quarter and starts going back to 2-4 percent inflation target for the next two years,” paliwanag ng opisyal.

Kinontra din nito ang obserbasyon ng ilang ekonomista na magpapatuloy ang mataas na inflation rate bunga ng epekto ng panalasa ng bagyong Ompong sa katuwiran nito na hindi naman buong bansa ang nasalanta.

Dagdag pa ni Guinigundo, maraming lugar na ang nagsimula ng mag-ani bago pa man tumama ang mapaminsalang bagyo kayat hindi kalakihan ang magiging paggalaw sa presyo ng mga produktong agrikultura kasama na ang bigas.

Tiwala din ito na lalakas na ang piso kontra dolyar dahil tuwing Kapaskuhan bumubuhos ang overseas remittances sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?