72
arrested
Nov 1, 2017 @ 18:02

Indonesian na kasapi ng Maute nadakip sa Marawi

Isang Indonesian national na pinaniniwalaang may koneksiyon sa ISIS-Maute group ang inaresto ng mga awtoridad sa Marawi City nitong Miyerkules.

Nakilala ang suspek na si  Muhammad Ilham Syahputra, 22, na mula sa Medam, North Sumatra, Indonesia.

Sa report ng Balitanghali ng GMA News, ang Indonesian na nagsasalita sa wikang Filipino, ay unang nagpakilalang residente ng Cagayan de Oro at miyembro ng military intelligence.

Sinabi sa ulat na ang suspek ay kasama na ng mga Maute sa training sa Piagapo, Lanao del Sur kung saan nag-recruit ang mga child warriors at iba pang mga miyembro.

Sinabi ng suspek na nagawang makatakas sa Maute matapos niyang patayin ang kanyang mga kasama.

Nadakip ang suspek ng mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa Marawi habang papatakas sa lungsod.

Sinabi naman ni Senior Superintendent John Guyguyon, Lanao del Sur provincial police director, na sinabi ng suspek na dumating siya sa Pilipinas noong Nobyembre 2016 sa imbitasyon ni Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon, na napatay ng tropa ng militar sa Marawi City.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?