24
ABANTE ASG ABU SAYAFF INDONESIAN FREE
Jan 16, 2020 @ 16:20
By

Indonesian na bihag ng Abu Sayyaf nasagip

Nailigtas ng mga tropa ng Joint Task Force Sulu ang isang Indonesian national na huling bihag na hawak ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa isinagawang operasyon nitong Miyerkoles ng gabi sa Indanan, Sulu.

Matagumpay na nailigtas ng militar ang biktimang si Muhammad Farhan matapos ang isinagawang intensive military intelligence operation ng JTF-Sulu dakong alas-6:45 ng gabi sa Barangay Bato-Bato ng nabatid na bayan.

Ayon kay Lt. General Cirilito Sobejana, commander ng Western Mindanao Command, isang tip ang natanggap ng militar sa mga residente kung saan itinatago ng mga miyembro ng ASG ang bihag na Indonesian national.

Agad na nagsagawa ng rescue operation ang mga sundalo at nabawi ng mga ito si Farhan.

Unang dinala si Farhan sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital para sa medical examination bago inilipad sa Camp Navarro General Hospital para sa debriefing.

Pinuri naman ni Sobejana ang mga tropa ng JTF Sulu sa kanilang malaking accomplishment na maligtas ang lahat ng nalalabing bihag na hawak ng ASG.

Sinabi pa ni Sobejana na magpapatuloy ang operasyon ng militar sa pagpapahina sa pwersa ng Abu Sayyaf upang matapos ang pangingidnap at tuluyang malansag ang terrorist group.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?