439

By

Indie film actor, kinasuhan ng murder

Sharing is caring!

Sa madilim at mainit na selda na posibleng mag-shooting ang isang Indie actor matapos mapatay sa bugbog ang isang lalaking inakusahang nanghipo sa kanyang misis, Miyerkules ng gabi sa loob ng isang supermarket sa San Mateo, Rizal matapos magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima na patay na ito, kamakalawa.

Nahaharap sa kasong murder si Eugene Quimbo Tejada, 29-anyos, residente ng No. 20 Vancouver Filinvest 1, Batasan Hills, Quezon City matapos mapatay sa bugbog si Frenil Bautista, 44, may-asawa, administrative supervisor ng Beta Equipment Sales Corp.

Batay sa report, naganap ang insidente bandang alas-6:30 ng gabi sa loob ng men’s comfort room ng Puregold Supermarket sa Banaba St., San Mateo, Rizal.

Una nang sinampahan ng kasong frustrated homicide ang suspek at tuluyan nang naging murder nang sumakabilang-buhay na ang biktima sanhi ng matinding pinsala sa ulo.

Sa ulat ng San Mateo Police Station, nag-ugat ang pambubugbog sa biktima nang akusahan ni Mary Jana Malilin, misis/live-in partner ni Tejada, ang biktima nang panghihipo sa kanya sa loob ng grocery.

Dahil dito, walang awa umanong binugbog ng suspek ang biktima na nagresulta sa pagkadurog ng bungo nito at pagka-comatose sa pagamutan.

Nagawa pa umanong pumunta sa istasyon ng San Mateo Police ang dalawa ngunit nakitaan ng palatandaan ng seryosong pinsala sa utak ang biktima kaya’t isinugod ito sa pagamutan kung saan siya na-comatose dahil sa pagkadurog ng bungo.

Kinailangan pa ng mga doktor ng Marikina Valley Medical Center na alisin ang isang bahagi ng bungo ng biktima upang matanggal ang namuong dugo nito sa ulo.

Matapos naman ang may dalawang araw na pagka-comatose ay tuluyan nang binawian ng buhay si Bautista kaya’t itinaas sa pagpatay ang kasong isinampa laban kay Tejada.

Mariin din namang pinabulaanan ng pamilya ni Bautista na hinipuan nito si Malilin dahil wala umano sa karakter ng biktima na gumawa ng ganoong klaseng kabastusan, dahil sa pagiging mabait nito, at mahinahong magsalita.

Ayon pa sa kanila, ang biktima ay may diabetes at high blood pressure at madalas itong mahilo o ma-disorient sa ilang pagkakataon, na maaari anilang siyang nangyari nang akalain ni Malilin na hinipuan siya nito.

“Na-misinterpret niya (Malilin) siguro na hinipuan siya,” ani Fernan Marasigan, bayaw ng biktima.

“I swear to my father’s grave. Hinding-hindi niya magagawa ang mambastos ng babae. Binata pa lang ‘yan kilala ko na ‘yan. Sobrang bait. Sobrang tahimik at disenteng tao. Hindi ko pa nakitang nagalit ‘yan o nagmura o sumimangot,” dagdag pa nito.

Inamin naman ni Tejada ang pambubugbog at idinahilang ipinagtanggol lamang niya ang kinakasama nang hipuan nito.

Si Tejada ay isang Indie actor na nakalabas na rin sa ilang sexually-oriented at low-budgeted indie films tulad ng “Kubli”, kung saan gumanap siyang lalaking may karelasyong bading.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?